Salvage* (Torture During Martial Law)

Salvage*

May mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan,
Na kahit ilang taon na ang magdaan, hindi dapat kinakalimutan.
At noong panahon ng kadiliman, 
Anong bagay pa ba ang mas lalala sa kamatayan?


Una, ang pagkuryente nang paulit-ulit kay Tolio, Palma, de Guzman,
Ang mga kable’y nakakabit sa daliri at maseselang bahagi ng katawan.
Pangalawa, San Juanico Bridge kay Lacaba at Ilagan,
Kapag lumaylay ang katawan, gulpi ay iyong asahan.


Pangatlo, Russian roulette kung tawagin ng karamihan,
Baril ay itututok mismo sa iyong sintido nang sapilitan,
Pang-apat naman ay water cure na kung saan,
Pagpapaluwa ng pinainom na tubig sa hampas idadaan.


Panglima, ay pamamaso bilang isang paraan,
Sigarilyo man o plantsa, tortyur pa rin yan.
Panganim: pagkakakulong nang mag-isa sa kawalan.
Kalungkutang hindi matiis hanggang mawala sa katinuan.


Maari pang magpatuloy pagkat mahaba ang listahan,
Pagpatay, pagkawala, panggagahasa sa kababaihan,
Pagupo sa yelo, pananakal at bartolinang ‘di mapapantayan, 
At para sa mga pamilya ng mga walang katawan, habambuhay na kalungkutan.


Mabuti pa ang tortyur, pantay ang pagtingin sa kahit anong kasarian.
Lahat ay nabibigyan - walang makakatakas sa kamay ng karahasan.
Kaya’t ang tanging pakiusap kung ayaw ninyong maulit at maranasan, 
Landas ng paglimot sa kalupitan ay huwag na huwag niyong paroroonan.


*Salvage na nangangahulugang isalba. Summary execution sa panahon ni Marcos. Marahil, sa pagkaka-salvage ay naisalba na ang isang tao sa marahas na tortyur.

Never again. Never forget. Marcos no HERO! 

Comments

Popular posts from this blog

Bagong Tiktik & Tabloid Journalism

The Fash with Fashionalism