Posts

Showing posts from 2016

Salvage* (Torture During Martial Law)

Salvage* May mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, Na kahit ilang taon na ang magdaan, hindi dapat kinakalimutan. At noong panahon ng kadiliman,  Anong bagay pa ba ang mas lalala sa kamatayan? Una, ang pagkuryente nang paulit-ulit kay Tolio, Palma, de Guzman, Ang mga kable’y nakakabit sa daliri at maseselang bahagi ng katawan. Pangalawa, San Juanico Bridge kay Lacaba at Ilagan, Kapag lumaylay ang katawan, gulpi ay iyong asahan. Pangatlo, Russian roulette kung tawagin ng karamihan, Baril ay itututok mismo sa iyong sintido nang sapilitan, Pang-apat naman ay water cure na kung saan, Pagpapaluwa ng pinainom na tubig sa hampas idadaan. Panglima, ay pamamaso bilang isang paraan, Sigarilyo man o plantsa, tortyur pa rin yan. Panganim: pagkakakulong nang mag-isa sa kawalan. Kalungkutang hindi matiis hanggang mawala sa katinuan. Maari pang magpatuloy pagkat mahaba ang listahan, Pagpatay, pagkawala, panggagahasa sa kababaihan, Pagupo sa yelo, pananakal at bar...

Ang Babae Sa Panahon ng Digmaan (Women in Conflict Areas)

Ang Babae sa Panahon ng Digmaan Sa pagputok ng bawat kaguluhan, Laging bulnerable at walang masandalan, Gawain ay sa balikat namin naiiwan. Ganyan ang babae sa panahon ng digmaan. Ang mga bakwit na kababaihan, Mga bakwit na walang mapuntahan. Pagkain at malinis na tubig, laging kakulangan Ganyan ang babae sa panahon ng digmaan. Hiling naming pagbabalik sa mga paaralan, Kailan kaya namin ito makakamtan? At kahit sa pagtulog ang tanging hiling ay katahimikan. Ganyan ang babae sa panahon ng digmaan. Minamaltrato at pinagsasamantalahan, Ginagahasa at niyuyurakan, Pinapasok ang komunidad at katawan, Ganyan ang babae sa panahon ng digmaan Ngunit sa ligalig ay siya ring natagpuan, Sumibol bagong uri ng kababaihan, Kaisa sa pagbuo at pasgulong ng kapayapaan, Tindog, babae! Sa kawalan man o digmaan.

Anatomy of a Campaign Jingle

[DAGLI] Sa isang laboratoryo ako dinala. Pag-aaralan daw nila? Para bang isang pusa o palaka na hihimay himayin at sisipat sipatin. May nakasisilaw na liwanag hanggang magdilim ang lahat. Tanging mga boses na lang ang gabay ko sa kadilimang hatid ng nakasusulasok na formalin. Sabi nung estudyante ay mas masahol pa ako sa mga pinatutugtog kapag Pasko. Rinding rindi na raw sila sa akin. “Modified organism” sabi naman ng isa. Mula sa isang patok na bagay raw ako nagmula. Minodipika para maging swak sa masa. Makabuluhan - ayon sa propesora. Mahalaga raw ang papel na ginagampanan ko sa ekolohiya. Dahil sa akin, hindi ka lang tumatatak sa isip nila kung hindi higit pa. Bukambibig ka ng bawat isa. At ang presyo para rito? Hindi basta basta. Depende gaano kahaba at kung sino ang gagawa. Ganyan ako kahalaga. Ngunit kahit walang kasiguraduhan ay maraming sumusugal sa akin. Lalo na’t ngayong eleksyon,hindi pwedeng hindi ako gamitin.

Paano Manalo sa Mayo?

Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Kumuha ka ng bato at ipukpok sa ulo. Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Kunin ang anak ng diktador bilang kandidato Panigurado sa’yo - may boboto. Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Basta si PNoy ikaw ang inendorso Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Gawing nakakatakot ang name recall sa tao Panigurado - sa’yo ay may boboto. Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Maagang pangangampanya ay iyong itago. Paano manalo sa eleksyon sa Mayo? Kapag tinanong ng kahit ano, sumagot nang magulo. Gawin mo ang lahat ng ‘to, paniguradong ika’y talo.